May bagong feature ngayon ang AirPods Pro 2 ng Apple na makakatulong sa pagsubaybay ng iyong kalusugan sa pandinig. Dahil sa lumalaking demand sa earbuds at headphones, mas dumadami rin ang kaso ng hearing loss, lalo na sa mga kabataan. Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit 1 bilyong kabataan ang nasa panganib ng permanenteng pagkawala ng pandinig dahil sa hindi ligtas na pakikinig ng malalakas na tunog.
Para makatulong sa problemang ito, nagdagdag ang Apple ng Hearing Test feature sa kanilang AirPods Pro 2. Sa loob ng limang minuto, masusuri nito kung may problema ka sa pandinig sa pamamagitan ng pagsusuri ng iyong kakayahang makarinig sa iba’t ibang frequency. Ipapakita rin ng feature kung nasa kategoryang Little to No Loss, Mild Loss, Moderate Loss, Severe Loss, o Profound Loss ang iyong pandinig.a
Bagamat hindi ito kapalit ng professional check-up, malaking tulong ito para madaling masubaybayan ang iyong pandinig kahit nasa bahay lang. Puwede mo itong gamitin bilang regular na monitoring tool para maiwasan ang mas malalang problema.
Bukod dito, may bagong feature din ang Apple na tinatawag na Music Haptics. Sa pamamagitan nito, mararamdaman ng mga user ang musika gamit ang taps, vibrations, at textures na sumusunod sa ritmo ng kanta. Bagamat ito ay unang ginawa para sa mga may problema sa pandinig, ngayon ay mas maraming kanta na sa Apple Music ang sumusuporta rito para mas maging immersive ang pakikinig sa musika.