Isang lalaki ang inaresto matapos umakyat sa Elizabeth Tower ng Big Ben sa London. Ang insidente ay nagdulot ng matinding seguridad at matagal na negosasyon sa pagitan ng pulis at emergency crews.
Ayon sa ulat, bandang 07:24 GMT ng Sabado nang makita ang lalaki na walang sapatos at may hawak na Palestinian flag habang nasa isang ledge ng tore. Tumanggi siyang bumaba at nagpatuloy ang negosasyon sa loob ng 16 na oras.
Gamit ang cherry picker, napababa ang lalaki pagsapit ng hatinggabi, kasabay ng pagtunog ng Big Ben. Kaagad siyang inaresto at dinala sa ospital para sa gamutan matapos magtamo ng sugat sa paa.
Dahil sa insidente, isinara ang Westminster Bridge, isang exit sa Westminster Underground Station, at kinansela ang mga tour sa Parliamentary Estate. Nagkaroon din ng maliit na protesta sa ospital kung saan isang lalaki ang inaresto matapos masaktan ang isang nurse.
Ayon sa pulisya, patuloy nilang rerepasuhin ang insidente upang maiwasan ang ganitong pangyayari sa hinaharap.