Mahigit P166,000 na kita ng isang meat shop sa Brgy. Calimag, Gen. Mariano Alvarez ang natangay matapos itong holdapin ng tatlong armadong lalaki kamakalawa.
Ayon sa pulisya, bandang 10:59 AM, pumasok ang mga suspek sa Fresh Hog Meatshop. Armado sila ng isang mahaba at dalawang maikling baril. Nilapitan nila ang may-ari na si Bernard Pagulayan at tinutukan ng baril bago nagdeklara ng holdap.
Mabilis nilang kinuha ang P166,500 na kita ng tindahan bago tumakas sakay ng isang itim na motorsiklo at isang puting Hyundai Starex Van na may improvised plate number 136610.
Isa sa mga suspek ay naka-orange long-sleeve, itim na shorts, half-face helmet, at itim na sapatos. Ang dalawa naman ay naka-itim na jacket, maong na pantalon, itim na face mask, at puting sapatos. May itim na backpack at may dalang mahabang baril.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy at mahuli ang mga suspek.