Isang babae sa Nagasaki, Japan ang inaresto matapos umanong iwanang nakahubad sa balkonahe ang kanyang partner buong magdamag, na nauwi sa kamatayan nito dahil sa lamig.
Ayon sa pulisya, ang 54-anyos na babae ay kinasuhan ng assault at lethal confinement matapos ang insidente noong Pebrero 2022.

Pinilit umano ng babae ang 49-anyos niyang common-law husband na lumabas sa balkonahe nang hubo’t hubad at ikulong doon. Kinaumagahan, natagpuan siya sa loob ng bahay na malapit nang mamatay at kalaunan ay binawian ng buhay dahil sa hypothermia.
Ayon sa ulat ng Mainichi Daily, umabot sa 3.7°C ang temperatura nang gabing iyon.
Nauna nang sinaktan ng babae ang biktima gamit ang kutsilyo, na nagdulot ng sugat sa ilong nito na tumagal ng dalawang linggo bago gumaling.
Itinanggi naman ng babae ang mga paratang at sinabi sa pulisya, "Wala akong ginawa."
Hindi pa nililinaw ng mga awtoridad kung bakit ngayon lang siya pormal na kinasuhan.