Isang community cat sa Ayala Triangle Gardens, Makati City ang trahedyang namatay matapos sipain ng isang Chinese na lalaki, ayon sa CARA Welfare Philippines.
Ayon sa kanilang post sa Facebook nitong Huwebes, nakunan sa CCTV ang lalaking walang awa na sinipa ang mahina at walang kalaban-laban na pusa. Hindi alam ng kawawang hayop na isang malupit na insidente ang mangyayari habang ito’y payapang nagpapahinga.
Matapos ang insidente, kinompronta ang lalaki at dinala sa barangay. Ngunit sa halip na magsisi, nagpakita ito ng kayabangan at tumangging ibigay ang kanyang address. Sinabi pa nito sa mga awtoridad na makipag-ugnayan na lang sila sa Chinese Embassy.
Dahil dito, malaya pa rin siyang gumagala sa kalsada at sa Ayala Triangle Gardens, na ikinabahala ng mga pet lovers at animal welfare advocates. Marami ang nananawagan ng hustisya para sa kawawang pusa at umaasang mapanagot ang may sala.