
Dahil sa sobrang init, ibinalik ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon ang 30-minutong "heat stroke break" para sa kanilang field workers tulad ng traffic enforcers at street sweepers.
Layunin ng patakarang ito na protektahan ang mga empleyado laban sa heat-related illnesses, lalo na ngayong mataas ang heat index.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, magkaka-alternate ang break ng mga nakatalaga sa isang lugar para hindi maapektuhan ang operasyon. Ang break ay ipapatupad hanggang May 31 at maaari pang madagdagan ng 15 minuto kung umabot sa 40 degrees Celsius pataas ang heat index sa Metro Manila.
Nagbabala ang Department of Health (DOH) na ang heat index na 42 to 51 degrees Celsius ay maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion, o heat stroke kapag hindi naagapan.
Payo ng DOH sa publiko: umiwas sa labas mula 10 a.m. to 4 p.m., uminom ng sapat na tubig, at gumamit ng proteksyon gaya ng sumbrero at payong.