
Mas maraming detalye ang lumabas tungkol sa pagkamatay ni Bob Bryar, dating drummer ng sikat na rock band na My Chemical Romance.
Ayon sa ulat ng Bedford County Medical Examiner na nakuha ng TMZ, natagpuan ang kanyang katawan sa tabi ng tatlong canister ng nitrous oxide, isang gas na kilala bilang "laughing gas" na maaaring magdulot ng euphoria kapag nalanghap. May nakakabit na tubing sa mga canister, na tila handa para gamitin.
Bagamat hindi pa matukoy kung may kinalaman ang nitrous oxide sa kanyang pagkamatay, may nakita ring antidepressants sa kanyang bahay. Dahil sa sobrang pagkabulok ng katawan ni Bryar, hindi na matukoy ang eksaktong sanhi ng kanyang kamatayan.
Natagpuan siyang patay sa kanyang bahay sa Tennessee noong Nobyembre 2024 sa edad na 44. Naging drummer siya ng My Chemical Romance mula 2004 hanggang 2014, pagkatapos ay lumipat sa real estate industry.
Ang My Chemical Romance ay sumikat sa mga kantang Welcome to the Black Parade, Famous Last Words, at Helena.