
Isang hiker sa China ang nakaligtas matapos maligaw ng 10 araw sa malamig na bundok sa pamamagitan ng pagkain ng toothpaste. Ayon sa ulat ng South China Morning Post, si Sun Liang, 18 taong gulang, ay na-stranded habang nagha-hike sa kabundukan ng northwestern China. Nagsimula siyang umakyat noong February 8 sa Qinling, isang mountain range sa Shaanxi province na may average na taas na 2,500 metro.
Makalipas ang dalawang araw, naubos ang battery ng kanyang electronic devices kaya hindi na siya nakontak ng pamilya niya. Nahulog din siya ng ilang beses habang sinusubukang bumaba sa ilog, dahilan para mabalian ng kanang braso. Sa matinding lamig, nagtago siya sa likod ng isang malaking bato at gumawa ng higaan mula sa tuyong damo at dahon. Nang maubusan ng pagkain, napilitan siyang uminom ng tubig mula sa ilog, tunaw na snow, at kumain ng toothpaste.
Matapos ang isang linggo, natagpuan si Liang noong February 17 ng isang rescue team na may higit 30 miyembro. Napansin niya ang amoy ng usok mula sa mga rescuer kaya sumigaw siya para humingi ng tulong. Ayon sa ulat, ang ruta na dinaanan niya ay isa sa "pinakamahirap na hiking trails sa China" dahil sa pabago-bagong panahon. Higit 50 hikers na ang nawala o namatay sa trail na ito, kaya ipinagbawal na ito ng mga awtoridad noong 2018. Hindi alam ni Liang ang tungkol sa ban.
Matapos ang kanyang rescue, sinabi ni Liang na natakot siya sa nangyari. Ayon sa kanya, napakahirap ng trail, walang magagandang tanawin, at delikado dahil sa matinding hangin at makapal na snow. Nagbigay rin siya ng babala sa iba pang hikers na huwag nang subukan ang Ao-Tai Line dahil mas mahalaga ang buhay.
Gumastos ang pamilya ni Liang ng 80,000 yuan (P637,011) para sa rescue operation. Ayon sa isang rescuer, may bayad ang rescue para mapigilan ang ibang hikers sa pagpasok sa delikadong trail. Bukod sa matinding panahon, may mga mababangis na hayop sa lugar tulad ng oso, antelope, at baboy ramo. Ilang rescuer din ang nasugatan habang hinahanap si Liang.