Ilang dekada na mula nang unang lumabas ang Pokémon sa Nintendo Game Boy sa Japan. Mula sa dalawang simpleng laro, naging pinakamalaking media franchise ito sa buong mundo. Ngayong Pokémon Day, nagbalik ang The Pokémon Company na may bagong Pokémon Presents, kung saan inihayag nila ang mga update sa serye at isang bagong game!
Pokémon Legends: Z-A
Matapos ang isang taon mula nang unang ianunsyo, mayroon na tayong bagong impormasyon tungkol sa Pokémon Legends: Z-A! Ito ang susunod na installment ng hit game na Pokémon Legends: Arceus (PLA) noong 2022. Sa pagkakataong ito, dadalhin tayo sa Lumiose City, ang puso ng Kalos region. Katulad ng PLA, may mga wild zones kung saan puwedeng manghuli ng Pokémon gamit ang bagong mechanics na mas malapit sa main series games.
Ang kwento ay iikot sa isang lumang hotel, ang Hotel Z, na magiging base mo sa laro. Ang host dito ay si AZ, kasama ang kanyang Pokémon na si Floette mula sa Pokémon X and Y. Para sa starter Pokémon, mapagpipilian sina Chikorita, Tepig, at Totodile. May mga haka-haka na magkakaroon sila ng Mega Evolutions dahil muling ibabalik ang sikat na battle mechanic na ito!
Ilan sa mga Pokémon na na-highlight sa trailer ay sina Eevee (kasama ang mga evolutions nito), Aegislash, at Zygarde. Makikita rin ang ilang Mega Pokémon tulad nina Mega Charizard X & Y, Mega Lucario, at Mega Gardevoir. Late 2025 ilalabas ang laro sa Nintendo Switch, at base sa dating release dates, malamang sa buwan ng Nobyembre ito lalabas.
Bagong Game: Pokémon Champions
Bukod sa Legends: Z-A, isang bagong game ang inilabas — ang Pokémon Champions! Ang Pokémon Works ang nangunguna sa development, kasama ang GAME FREAK. Sa larong ito, battles ang magiging highlight, kung saan Double Battles ang format na ipinakita sa trailer. Maraming trainers mula sa iba’t ibang bansa ang maglalaban-laban gamit ang piling Pokémon.
Ayon sa teaser, magiging bahagi ng game ang parehong Terastallization at Mega Evolution, na unang beses mangyayari sa isang Pokémon battle game! Isa pang malaking twist dito ay magiging available ang laro hindi lang sa Nintendo Switch, kundi pati na rin sa mobile devices! Nasa early development pa ito, kaya malamang aabutin pa ng ilang taon bago ito mailabas.
Iba Pang Pokémon Updates
Bukod sa dalawang bagong laro, may iba pang exciting news!
- Babalik na ang Mega Evolutions sa Pokémon Trading Card Game (TCG)! Tinawag itong Pokémon TCG: Mega Evolution Series, kung saan makikita ang Mega Evolution Pokémon ex tulad nina Lucario at Gardevoir. Inaasahang lalabas ito ngayong taon.
- Bagong episodes ng Pokémon Concierge! Ipapalabas ito sa Netflix sa Setyembre 2024.
- Bagong Pokémon TCG Pocket booster pack! Tinawag itong Triumphant Light, at ilalabas na bukas, Pebrero 28, kung saan tampok ang Arceus ex bilang flagship Pokémon.
Marami pang ibang announcements sa buong Pokémon Presents! Panoorin ang buong presentation para sa kompletong detalye.