Pinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari ng isang passenger jeepney at dump truck na naaksidente sa Antipolo nitong weekend.
Nangyari ang insidente sa Sumulong Highway at nagdulot ng sugat sa siyam na tao.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, kailangang humarap sa kanilang opisina ang may-ari ng jeepney at Howo dump truck (may plakang TXF222 at NEJ4224), pati na rin ang mga driver.
“Gusto naming malaman ang dahilan ng aksidente, lalo na kung bakit lumampas sa linya ang jeepney,” sabi ni Mendoza.
Nag-viral sa social media ang video ng insidente kung saan makikita ang jeepney na lumihis sa kabilang linya at sumalpok sa truck. Dahil sa lakas ng impact, nawalan ng kontrol ang truck at bumangga sa isang electric tricycle.
Naglabas ng show-cause order ang LTO para sa mga may-ari ng sasakyan, at inaasahang susunod sila sa utos.
Sinabi rin ni Mendoza na ang imbestigasyon ay alinsunod sa utos ni Transportation Secretary Vince Dizon para gawing mas ligtas ang mga kalsada para sa lahat.