
Naaresto ang 401 na dayuhang manggagawa sa isang umano'y POGO scam hub na nasa isang 10-palapag na gusali malapit sa Macapagal Boulevard, Pasay City nitong Miyerkules.
Pinangunahan ng lokal na gobyerno ng Pasay, kasama ang PNP-CIDG, DOJ Office of Cybercrime, at PAOCC, ang raid matapos makatanggap ng ulat na may POGO pa ring nag-ooperate sa gusali.
“Ayon sa intelligence report, may POGO operation dito. Noong nakaraang taon, may pinasara na kami sa 6th at 8th floor,” sabi ni Atty. Patrick Legaspi, head ng Pasay Business Permits and Licensing Office (BPLO).
Dagdag ng BPLO, ang kumpanyang gumagamit ng 6th hanggang 10th floors ay walang business permit o license mula sa lokal na pamahalaan. Dahil dito, naglabas ng Mission Order ang Pasay LGU para mapasok ang nasabing lugar.