
Kahit ipinagbawal na ng gobyerno ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), patuloy pa rin ang operasyon ng ilang illegal na POGO hubs, kaya mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagsugpo sa mga ito.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission Executive Director Gilbert Cruz, may humigit-kumulang 100 POGO hubs pa rin na patagong nag-ooperate sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Sinabi naman ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na nananatiling alerto ang mga awtoridad laban sa mga krimeng may kaugnayan sa POGO, tulad ng illegal detention, financial fraud, at human trafficking.
"Patuloy na magsisikap ang PNP na mapigil ang kriminalidad at buwagin ang mga sindikatong nagdudulot ng panganib sa kapayapaan at kaayusan," ani Marbil.
Ayon sa imbestigasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group, karamihan sa mga kidnapping cases ay nag-ugat sa alitan kaugnay ng underground gambling at cyber fraud, na madalas iugnay sa mga dating operasyon ng POGO.
Mula Enero 2024 hanggang Pebrero 2025, nakapagtala ang PNP ng 40 kaso ng kidnapping, kung saan sampung Chinese nationals ang dinukot ng kapwa nila Chinese.
Babala sa Kandidatong May Koneksyon sa POGO
Sa nalalapit na eleksyon, pinaalalahanan ang mga botante na maging mapanuri, lalo na sa mga senatorial candidates na may kaugnayan sa POGO.
Ayon kay Manila 1st District Rep. Ernix Dionisio Jr., may ilang dating sangkot sa POGO ang ngayon ay tumatakbo sa gobyerno upang protektahan ang kanilang sarili.
Sunod na Target: PIGO?
Habang tuluyang ipinagbawal na ang POGO, nananatili namang legal ang Philippine Inland Gaming Operations (PIGO), kung saan mga Pilipino mismo ang nagsusugal.
Iminungkahi ni Senate President Francis Escudero na dapat pag-aralan ng gobyerno ang epekto ng PIGO sa mga Pilipino.
"Kung delikado ang POGO para sa mga dayuhan, bakit natin ito pinapayagan para sa ating mga kababayan? Kung may susunod na hakbang, dapat itong pag-aralan nang mabuti," ani Escudero.
Ang PIGO ay tumutukoy sa domestic gambling operations na eksklusibong bukas para sa mga Pilipino.
Matatandaang noong Hulyo 2024, inanunsyo ni Pangulong Marcos ang total ban sa POGO sa kanyang State of the Nation Address (SONA).