
Si JENNIE at Doechii ay naglabas ng kanilang bagong collab single na “ExtraL,” isang awitin tungkol sa pagiging kumpiyansa at pag-angkin ng mas magagandang bagay sa buhay.
Pinroduce ni DemJointz, ang “ExtraL” ay isang hip-hop anthem na naghihikayat sa mga babae na yakapin ang kanilang lakas at kakayahan. Sa kantang ito, ipinakita ng BLACKPINK member ang kanyang walang takot na kumpiyansa, habang ang flawless rap skills ni Doechii ay nagbigay ng perfect na balance sa track. Ang resulta? Isang world-class na awitin na nagpapakita ng versatility ni JENNIE bilang isang artist.
Kasabay ng release ng kanta, inilabas din ang isang espesyal na music video na puno ng artistic at choreographed performances. Sa eleganteng mid-century setting, ipinamalas nina JENNIE, Doechii, at kanilang mga dancer ang intense energy na lalong nagpatibay sa powerful ending ng kanta. Ang music video ay idinirek ni Cole Bennett.
Ang collab ni Doechii sa album ni JENNIE na RUBY ay isa lang sa maraming bigating features nito, kabilang sina Dua Lipa, FKJ, Kali Uchis, Childish Gambino, at Dominic Fike. Ilang linggo bago ito, inilabas ni JENNIE ang single na “Love Hangover” kasama si Fike, na agad pumasok sa Billboard Philippines’ Hot 100 sa No. 16 spot.
Kamakailan lang, naglabas din si JENNIE ng live performance video para sa “Love Hangover” kung saan solo niyang kinanta ang buong track, kabilang ang verse ni Fike. Ito ang unang official teaser para sa physical release ng RUBY, kung saan lahat ng physical versions ng album ay may JENNIE-only recordings.
Samantala, si Doechii ay nanalo ng kanyang unang Grammy para sa Best Rap Album sa kanyang critically acclaimed mixtape na Alligator Bites Never Heal, na naglabas ng hit singles na “DENIAL IS A RIVER” at “NISSAN ALTIMA.” Sa pagdiriwang ng kanyang tagumpay, naglabas siya ng surprise single na “NOSEBLEEDS,” isang extended version ng kanyang Grammy acceptance speech.