
Isang bagong silang na sanggol ang namatay sa Paris matapos itong itapon mula sa bintana ng hotel ng kanyang 18-anyos na Amerikanang ina, ayon sa mga imbestigador sa France.
Ayon sa ulat, itinapon ng babae ang sanggol mula sa pangalawang palapag ng isang hotel sa ika-20 distrito ng Paris. Natagpuan ang sanggol sa harapan ng hotel, balot sa tela at may nakakabit pang pusod.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad at dinala ang sanggol sa Robert Debre Hospital, ngunit binawian ito ng buhay bandang 7:45 a.m. noong Lunes, Pebrero 24.
Ang ina, isang estudyanteng Amerikana, ay napaulat na nanganak sa loob ng hotel bago itinapon ang sanggol. Siya ay inaresto at kasalukuyang nasa ospital upang sumailalim sa gamutan.
Ayon sa mga opisyal ng France, sinimulan na ang isang imbestigasyon sa kasong pagpatay. Lumabas sa ulat ng Paris Match na ang babae ay kasama ng isang grupo ng mga kabataang Amerikano na naglalakbay sa Europa para sa isang study trip.