
Isang Chinese influencer ang nagsabing kumikita siya ng halos 300,000 yuan kada araw kahit nasa kama lang at walang ginagawa.
Mula Feb. 8 hanggang 16, umabot sa 10.39 milyong yuan (PhP83 milyon) ang kanyang benta sa isang malaking live-streaming platform, kung saan tinatayang 2.79 milyong yuan (PhP22.2 milyon) ang kanyang komisyon.
Sa isa pang platform, sinabi niyang 8.94 milyong yuan (PhP71.4 milyon) ang kanyang benta sa loob ng pitong araw.
"Buong araw lang akong nakahiga, walang ginawa, pero kumita pa rin ng 1.16 milyong yuan sa aking Douyin shop, na may tinatayang komisyong 303,200 yuan," ani Gu.
"Mas iniinis niyo ako, mas lumalaki ang kita ko. Hindi ito tungkol sa kita ng daang libong yuan kada buwan, kundi daang libong yuan KADA ARAW! Gets?"
Dahil sa kanyang pahayag, binatikos siya ng mga netizens, kaya napilitan siyang magpaliwanag.
"Alam niyo ba kung bakit hindi na ako madalas mag-share ng kita ko? Lagi nalang may isyu, laging pinag-uusapan, kaya karamihan ng influencers nagpapanggap na mahirap," paliwanag niya.
Si Gu Xixi, ipinanganak noong 1998 sa Jiangsu, China, ay kilalang kontrobersyal na influencer. Sumikat siya sa paggawa ng kakaibang stunt tulad ng pagsubo ng ping pong ball at iba pang content na ilang beses nang na-ban dahil sa pagiging “vulgar.”
Sa isang livestream, inamin niyang nasangkot siya sa isang public fight noong 15 taong gulang at nasentensyahan ng dalawang taon at kalahating probation. Sinabi rin niyang hindi siya nag-aalala kung paano ito makakaapekto sa kanyang mga anak sa hinaharap.