Pumanaw na si Roberta Flack, ang Grammy-winning singer na nasa likod ng klasikong Killing Me Softly With His Song at isa sa pinaka-iconic na boses noong 1970s, sa edad na 88. Ayon sa kanyang publicist, binawian siya ng buhay noong Martes, Pebrero 25 (oras sa Pilipinas), ngunit hindi binanggit ang dahilan ng kanyang pagkamatay. Sa mga nakaraang taon, naapektuhan ang kanyang boses dahil sa sakit na ALS o Lou Gehrig’s disease, na na-diagnose sa kanya noong 2022. "Payapa siyang pumanaw na napapalibutan ng kanyang pamilya," ayon sa pahayag ng kanyang publicist.
Si Flack ay isang classically trained musician na may malambing at madamdaming boses. Isa siya sa mga nagpasikat ng scientific soul—isang istilo ng musika na pinaghalong husay, emosyon, at masusing pag-aaral sa tunog. Malaki rin ang naging ambag niya sa quiet storm radio format, isang genre ng smooth at sensual R&B music na naging inspirasyon ng maraming artista noong 1980s at 1990s. Dahil sa kanyang natatanging istilo, hindi lang siya basta isang performer kundi isa ring innovator sa mundo ng musika.
Ipinanganak si Roberta Cleopatra Flack sa Black Mountain, North Carolina, noong Pebrero 10, 1937, at lumaki sa Arlington, Virginia. Galing siya sa isang pamilyang mahilig sa gospel music at natutong mag-piano noong bata pa lang siya. Dahil dito, nabigyan siya ng music scholarship sa Howard University sa edad na 15. Sa isang interview noong 2021, ibinahagi niya na ang kanyang ama ay nakahanap ng lumang piano sa isang junkyard, inayos ito, at pininturahan ng berde para sa kanya. “Yun ang naging unang piano ko—doon ko natutunan ipahayag ang sarili ko sa musika,” kwento niya.
Madaling nakilala si Flack sa mga jazz club sa Washington hanggang sa madiskubre siya ng jazz musician na si Les McCann. Pumirma siya sa Atlantic Records sa edad na 32, at biglang sumikat nang ginamit ni Clint Eastwood ang kanyang ballad na The First Time I Ever Saw Your Face sa pelikulang Play Misty for Me noong 1971. Dahil dito, nanalo siya ng Grammy Award for Record of the Year noong 1972 at muling nagwagi sa parehong kategorya noong 1973 para sa Killing Me Softly With His Song—ginawa siyang unang artist na nanalo ng dalawang sunod na taon.
Bukod sa kanyang kontribusyon sa musika, naging bahagi rin si Flack ng mga social movements noong kalagitnaan ng ika-20 siglo. Kaibigan niya sina Reverend Jesse Jackson at Angela Davis, at kumanta rin siya sa funeral ng baseball legend na si Jackie Robinson, ang kauna-unahang Black player sa Major League Baseball. Inalala rin niya ang panahong mahirap maging Black sa Amerika. “Lumaki ako sa panahong ang salitang 'Black' ay isang insulto. Dumaan ako sa civil rights movement. Pero natutunan ko, pati na rin ng marami sa amin, na ang pagiging Black ay isang bagay na dapat ipagmalaki,” ani Flack. “Gumawa ako ng maraming kanta na tinuturing na protest songs, pero ginawa ko ito nang puno ng pagmamahal.”