Isang babaeng turista mula Russia ang namatay matapos subukang kumuha ng selfie mula sa footboard ng isang tren.
Ayon sa ulat ng lokal na pahayagang Daily Mirror, kinilala ang biktima bilang si Olga Perminova. Sinubukan umano niyang mag-selfie habang nakasabit sa footboard ng tren sa pagitan ng mga istasyon ng Badulla at Hali Ela sa Sri Lanka.
Nangyari ang insidente noong nakaraang linggo habang ang Podimanike train, na patungo sa Colombo Fort, ay nasa direksyon ng Ella. Ayon sa mga awtoridad, tumama ang ulo ng 53-anyos na turista sa isang bato malapit sa isang dam, dahilan upang mahulog siya mula sa tren.

Agad siyang tinulungan ng mga medical staff sa Hali Ela Railway Station at dinala sa Badulla Teaching Hospital para sa emergency treatment. Sa kabila ng pagsisikap ng mga doktor, binawian siya ng buhay kalaunan.
Base sa ulat ng Daily Mirror, dumating si Perminova sa Sri Lanka kasama ang iba pang dayuhang turista. Galing umano siya sa Saratov at kabilang sa isang security firm sa Moscow.