Natagpuan ang naaagnas na bangkay ng isang miyembro ng LGBTQIA+ sa Bagong Silang, Caloocan City, nitong Biyernes ng umaga, kung saan ang isang bahagi ng katawan nito ay isinilid pa sa isang cooler.
Kinilala ang biktima bilang si Michael “Shalani” Dolina, isang kilalang miyembro ng kanilang komunidad. Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City Police, tinatayang nasa limang araw nang patay ang biktima bago nadiskubre ang krimen.
Natagpuan ang bangkay sa isang bahay sa naturang lugar, kung saan nadiskubre rin ang isa nitong paa na nakasilid sa isang cooler. Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang may-ari ng bahay upang matukoy ang posibleng kaugnayan nito sa krimen.
Ayon sa pamilya ni Dolina, limang araw na itong hindi umuuwi, kaya’t labis silang nabahala at naghanap ng impormasyon tungkol sa kanyang kinaroroonan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang salarin at ang motibo sa pagpatay.