
Isang powerlifting champion ang pumanaw matapos mabagsakan ng 595-pound (270 kg) na barbell habang nag-eensayo. Siya ay 17 taong gulang.
Ayon sa ulat ng Times of India, nasawi si Yashtika Acharya matapos mabali ang kanyang leeg sa isang training session sa gym sa Bikaner, Rajasthan.
Ayon kay Vikram Tiwari, station house officer ng Naya Shahar, nangyari ang aksidente habang inoobserbahan siya ng kanyang trainer, na nagtamo rin ng minor injuries.

"Si Yashtika ay nagbubuhat ng weights sa gym na Power Headquarters sa ilalim ng gabay ng kanyang trainer. Bigla siyang nawalan ng balanse, kaya bumagsak ang barbell sa kanyang leeg," pahayag ni Tiwari.
Agad siyang tinulungan ng kanyang mga kasama sa gym, habang ang coach niya ay sinubukang i-revive siya gamit ang CPR, ngunit hindi siya nagpakita ng senyales ng buhay.
Dinala siya sa pinakamalapit na ospital, ngunit idineklarang patay na siya pagdating.
Hindi nagsampa ng reklamo ang pamilya ni Acharya kaugnay ng insidente.
Naidaraos na ang autopsy, at ibinalik na ang kanyang labi sa mga kamag-anak noong Miyerkules, Pebrero 19.
Si Acharya ay isang gold medalist sa Junior National Games sa weightlifting at nanalo rin sa National Bench Press Championship sa sub-junior category (84 kg pataas).