Ibinida ng Volvo ang kanilang pinakabagong electric luxury sedan—ang ES90, isang fully electric na sasakyan na may advanced tech features. Itinakda ang opisyal na pagpapakilala nito sa Marso 5, 2025, at inaasahang magpapatuloy sa pag-e-evolve sa pamamagitan ng over-the-air updates na magdadagdag ng mas advanced na safety, connectivity, at performance.
Ang ES90 ay gumagamit ng dual NVIDIA DRIVE AGX Orin core computing system, na may 508 trillion operations per second, kaya ito ang may pinakamalakas na computational power sa Volvo. Gamit ang AI-driven safety features, mas epektibong battery management, at real-time sensor integration, magiging mas ligtas at episyente ang pagmamaneho. Habang tumatagal, kaya nitong palawakin ang deep learning models nito mula 40 million hanggang 200 million parameters, na nangangahulugang patuloy itong mapapaganda sa safety at performance.
Ang ES90 ay ang ikalawang modelo na gagamit ng SPA2 platform, pagkatapos ng EX90. Lahat ng paparating na electric vehicles ng Volvo ay gagamit ng kanilang Superset tech stack, na nagbibigay-daan sa OTA updates para sa mas advanced na connectivity, safety features, at battery efficiency.
Syempre, hindi mawawala ang Volvo-level safety! Ang Safe Space Technology ng ES90 ay may 1 lidar, 5 radars, 8 cameras, at 12 ultrasonic sensors, na sinamahan pa ng driver-understanding system para matukoy ang mga balakid, kahit sa dilim, at awtomatikong mag-activate ng safety measures.
"Ang Volvo ES90 ay isa sa pinaka-advanced na sasakyan ngayon," ayon kay Anders Bell, ang Chief Engineering and Technology Officer ng Volvo. "Ginawa ito gamit ang aming Superset tech stack, kaya ito ay inuuna ang safety at patuloy na inovasyon."