Hustisya ang panawagan ng pamilya ni Christian Tendido Ambon, isang criminology graduate na napaslang matapos akusahang magnanakaw sa Malate, Manila.
Ayon sa pamilya, hinabol ni Ambon ang isang magnanakaw na tumangay sa kanyang cellphone noong Pebrero 8. Sinundan niya ito sa isang bahay, ngunit imbes na matulungan, pinagbubugbog siya ng mga nakatira roon at mga kapitbahay.
Hindi lang iyon—itinali siya ng barangay officials at iniulat na sinaksak gamit ang ice pick.
Sa kabila ng pagiging biktima, sinampahan pa si Ambon ng trespassing at frustrated murder ng diumano’y magnanakaw.
Si Ambon ay nagpunta sa Manila mula sa Las Navas, Northern Samar para maghanap ng trabaho, ngunit sa halip na magandang kinabukasan, trahedya ang kanyang sinapit.
Dumulog ang kanyang pamilya kay Sen. Raffy Tulfo upang humingi ng tulong. Ayon kay Maj. Philipp Ines ng Manila Police District, iniimbestigahan na ang insidente upang mabigyan ng hustisya si Ambon.