Isang 59-anyos na ilaw ng tahanan ang maswerteng nanalo ng P314.591 milyon sa Ultra Lotto 6/58 jackpot noong Enero 5.
Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nagpunta ang nanalo sa kanilang opisina sa Mandaluyong noong Pebrero 5 upang kunin ang kanyang premyo.
Binili niya ang kanyang winning ticket sa isang mall sa Mandaluyong gamit ang lucky pick system, at nakuha ang anim na tamang numero: 36-46-16-19-23-27.
Ayon sa kanya, habang nagwi-window shopping kasama ang kanyang mga kamag-anak, napadaan sila sa isang lotto outlet at napagpasyahang tumaya nang biglaan.
Limang taon na siyang regular na tumataya sa lotto at balak niyang gamitin ang kanyang napanalunan para sa investment at pagtulong sa kanyang pamilya.
"Sa mga kapwa ko mananaya, kung may budget kayo, subukan lang dahil totoo ang swerte," aniya. "Isipin na lang natin na nakakatulong din tayo sa iba sa pamamagitan ng charity."
Ayon sa PCSO guidelines, kailangang ipakita ng jackpot winners ang orihinal at pirmadong ticket pati na rin ang dalawang valid ID upang makuha ang premyo.
Sa ilalim ng TRAIN Law, ang premyong higit sa P10,000 ay may 20% tax deduction bago ito makuha.