
Martes, tila sinagot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagpatay sa mga nangungunang kandidato sa pre-election surveys. Mariin niyang binatikos ang mga gumagawa ng banta sa halip na tumutok sa pagpapaunlad ng bansa.
Ayon kay Marcos Jr., ang administrasyong slate na Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas ay nakatuon sa paghahanap ng mga solusyon sa mga pangunahing suliranin ng bansa sa pamamagitan ng lehislasyon, sa halip na makipagtalo sa mga kalaban sa politika.
Marcos Jr. bumwelta kay Duterte sa ‘kill senators’ remark

“Tinitingnan ko yung mga kandidato namin kung may napasabugan na ba ng granada,” pabirong sinabi ng Pangulo habang kasama ang kanyang 12 senatorial bets para sa 2025 midterm elections sa isang sortie sa Pasay City.
“‘Yan ang kaibahan ng Alyansa sa lahat ng mga tumatakbo… Wala kayong maririnig na masasamang salita. Wala kayong maririnig na pananakot. Wala kayong maririnig na pagmumura,” dagdag niya.
“Malinaw kung ano ang direksyon ng Alyansa: Ito ay ang kaunlaran, hindi ang pang-aapi, hindi pananakot, hindi ang pagsisisigaw,” ani Marcos Jr.
Binanggit pa ng Pangulo na ang mga kandidato ng Alyansa ay pawang may malawak na karanasan sa gobyerno bilang dating mga senador, mambabatas, miyembro ng gabinete, o lokal na opisyal.
“Hindi na sila kumakapakapa sa kanilang trabaho. Alam na nila ano ang gagawin. Alam nila ang gobyerno. Kabisado nila mula sa matataas na posisyon,” aniya.
“Hindi na sila nagdadadada. Trabaho lang sila nang trabaho. Wala silang hinahangad na panggugulo. Wala silang iniisip na pagwatak-watakain ang Pilipinas,” dagdag pa niya.
“Ang kailangan natin ay solusyon at hindi maaanghang at maiinit na salita na wala namang kabuluhan,” diin ng Pangulo.
Matatandaang sinabi ni Duterte noong nakaraang linggo sa mga miyembro at tagasuporta ng PDP-Laban na dapat nilang “patayin” ang ilang nangungunang kandidato sa pre-election surveys upang makuha ng kanilang partido ang 12 puwesto sa Senado sa darating na halalan sa Mayo.