
Patay ang magkasintahan na 25-anyos, sakay ng motorsiklo, nang mabangga ng police mobile sa Marcos Highway, Barangay Inarawan, Antipolo City, Rizal, noong Lunes ng hapon, Pebrero 18, 2025.
Ayon kay Police Captain Alnor Tagara, Chief ng Investigation and Operations ng Antipolo Police, nawalan ng kontrol ang police mobile habang binabaybay ang Marcos Highway. Kasalubong ng mobile ang motorsiklo na sakay ng magkasintahan, pati na ang isang jeep na nadamay sa aksidente.
"Malakas ang ulan at basa ang daan. Ang police mobile ay patungong Boso-Boso, habang ang motorsiklo at jeep ay patungo sa Cogeo. Nawala sa kontrol ang mobile habang nagpapatrolya, kaya't nabangga nito ang motorsiklo at tumilapon ito sa jeep," ayon kay PCapt. Tagara.
Nasira ang harapang bahagi ng jeep, ngunit ligtas ang drayber at mga sakay nito. Nilinaw ng PNP na aksidente ito dahil sa basang kalsada.
"Ipinapakita ng pangyayari na basa ang daan, at kahit may preno, nawalan ng kontrol ang mobile patrol," dagdag pa ni PCapt. Tagara.
Isang araw bago mangyari ang trahedya, nagdiwang pa ng kaarawan ang biktimang lalaki. Ayon sa Barangay Inarawan medical team, nagtamo ng malubhang tama sa ulo ang magkasintahan.
"Ang lalaki ay may posibleng fracture sa kaliwang binti, at ang babae ay may posibleng fracture sa kanang braso. Pareho silang walang buhay, kaya't dinala sila sa ospital," sabi ni Louie Cornel, Bgy. Inarawan medic.
Tumanggi magbigay ng pahayag ang pamilya ng mga nasawi. Ang pulis na nagmaneho ng police mobile ay nasa kustodiya ng Antipolo Police at tumanggi ring magsalita. Maaaring kasuhan siya ng reckless imprudence resulting to multiple homicide with damage to property.