
Opisyal nang nagsimula ang puksaan edition ng Miss Universe Philippines 2025.
Isa-isa nang nakilala ang animnapu't siyam (69) na kandidatang kalahok sa Miss Universe Philippines 2025.
Nitong Sabado, Pebrero 15, 2025, ginanap ang matagal nang hinihintay ng mga pageant fans na press presentation, kung saan opisyal nang ipinakilala ang mga kalahok sa kompetisyon.
Mayroong mga baguhan at may mga beteranang nagbabalik sa pag-asang masungkit ang Miss Universe Philippines 2025 crown at mairepresenta ang Pilipinas sa Miss Universe stage.
MA. AHTISA MANALO, QUEZON PROVINCE
Isa sa mga pageant veterans na nagbabalik ay ang pambato ng Quezon Province, si Ma. Ahtisa Manalo.
Si Ahtisa ang kasalukuyang Miss Philippines Cosmo 2024.
Note: Ahtisa Manalo hiniling sa fans na itigil ang pambabash sa Miss Cosmo 2024 winner
Si Ahtisa rin ang kinoronahang Bb. Pilipinas-International noong 2018.
Hinirang din siyang Miss International 2018 first runner-up.
Ka-batch niya sa Binibining Pilipinas si Catriona Gray, na naging Miss Universe 2018.
WINWYN MARQUEZ, MUNTINLUPA CITY
Isa pang inaabangan ang pagbabalik sa entablado ng pambato ng Muntinlupa City, si Winwyn Marquez.
Katulad ni Ahtisa, hindi na rin baguhan si Winwyn sa pagsali sa mga beauty pageant.
Siya ang pinakaunang Reina Hispanoamericana, isang international pageant na ginanap sa Santa Cruz, Bolivia.
Nirepresenta niya ang Pilipinas matapos manalo sa Miss World Philippines 2017.
Bago siya nagtagumpay sa international pageant na ito, sumali si Winwyn sa 52nd Bb. Pilipinas noong Marso 2015, ngunit hindi niya nakuha ang Bb. Pilipinas-Universe title, na napanalunan ni Pia Wurtzbach.
Note: Ano naman kaya ang bagong pasabog na walk ni Winwyn Marquez?
YLLANA MARIE ADUANA, SINILOAN LAGUNA
Isa sa mga paborito ng pageant fans ay si Yllana Marie Aduana ng Siniloan, Laguna.
Si Yllana ang kinoronahang Miss Earth Air 2023 sa ginanap na pageant sa Van Phúc City, Ho Chi Minh City, Vietnam noong Disyembre 22.
CHELSEA FERNANDEZ, SULTAN KUDARAT
Nagbabalik din sa beauty pageant stage si Chelsea Fernandez ng Sultan Kudarat.
Hindi nalalayo ang kanyang karanasan sa iba pang beteranang makakalaban niya, dahil kilala rin siya sa iba’t ibang beauty pageant noon.