
Lubos na nagpapasalamat si Andrea Brillantes sa pagkakataong makatrabaho ang mga beterano at ikonikong pangalan sa showbiz sa pagsali niya sa cast ng hit ABS-CBN series na "FPJ's Batang Quiapo.
Sa "Tatak BQ: The FPJ's Batang Quiapo 2nd Anniversary Special," inamin ng aktres na gagawin niyang inspirasyon ang pressure na nararamdaman upang mas galingan ang kanyang pagganap sa action-packed na serye.
Dating child star si Brillantes, at nais din niyang makita ang kanyang pag-unlad bilang aktres sa pagsali sa sikat na palabas. "Aaminin ko na medyo pressured ako, pero mas higit ang pasasalamat ko. Grabe ang mga kasama ko rito, mga icons at skilled veterans. Nai-starstruck talaga ako, pero hindi ko hahayaan na lamunin ako ng kaba," sabi niya.
"Gagawin kong motibasyon ang pressure na 'yon upang mas pagbutihin pa. Hindi ko ini-expect na kapantay ako ng mga kasama ko rito, pero excited ako makita kung paano ako maggo-grow bilang aktres. Iba ang experience dito sa BQ. Salamat po direk Coco (Martin), thank you," dagdag niya.
Matagal na raw niyang gustong sumabak sa action genre. "Handang-handa na ako. Matagal ko na talagang nire-request na gusto kong mag-action," aniya.
Sa tanong kung handa siya sa improv style na kilalang ginagamit ni Coco Martin bilang direktor, inamin ni Brillantes na mas sanay siya sa may script, ngunit excited siya sa bagong karanasang ito. "Last time na nag-improv ako, mga 3 years old ako noon. Mapu-push ako na ibalik 'yung creativity ko noong bata pa ako. Kinakabahan ako pero super excited," sabi niya.
Bago ang "Batang Quiapo," lumabas si Brillantes sa "High Street," ang sequel ng 2023 drama mystery series na "Senior High."
Ayon kay Martin, mismong si Brillantes ang humiling na makasama sa serye. "Sinabi niya sa akin noong birthday ni Tita Cory (Vidanes), 'Pa-guest naman sa Batang Quiapo.' Sabi ko, 'Gusto mo ba? Sige.' Hindi siya makapaniwala nang agad kong pinaayos ang script at kuwento," kwento ni Martin.
Bukod kay Brillantes, kasama rin sa bagong cast sina Jake Cuenca, Angel Aquino, Albie Casiño, Juan Rodrigo, Paolo Paraiso, Gillian Vicencio, Shamaine Buencamino, Michael de Mesa, Albert Martinez, Dante Rivero, Chanda Romero, at Celia Rodriguez.
Ang "Batang Quiapo" ay napapanood tuwing gabi, 8 p.m., sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Cinemo, A2Z, at TV5. Available din ito sa iWantTFC at TFC.