
Noong Pebrero 7, 2025 (Biyernes), ang alternative pop band na NOBITA at award-winning rap hitmaker na si Flow G ay nagsanib-pwersa sa kanilang bagong collaboration single na pinamagatang “PNYT”. Ang kanta ay puno ng emosyon at pinapakita ang pagiging bukas ng damdamin ng dalawa, habang tinalakay ang “di-mahuhulaan at madalas na masakit na kalikasan ng pag-ibig.” Ang kanta ay pinaghalong rock, R&B, at hip-hop na tunog.
Kasabay ng paglabas ng kanta, inilunsad din ang opisyal na music video nito noong Pebrero 7, 2025 (Biyernes) alas-7:00 ng gabi (PHT).
“Ang matitinding emosyon ay nangangailangan ng matinding paraan ng pagpapahayag,” pahayag ng NOBITA sa isang press statement. Ibinahagi nila kung paano nila isinama ang “frustrating agony ng kanta habang pinapanatili ang tamang balanse ng sensitivity at control.” Ayon pa sa banda, ang pagtatrabaho kasama si Flow G ay nagbigay ng bagong dynamics sa kanilang musika. “Inilabas namin ang aming sariling estilo pero sumubok din sa direksyong bago sa amin. Ang sarap ng pakiramdam na lumabas sa comfort zone at lumikha ng bago.”
Ayon sa parehong pahayag, ang “PNYT” ay nagsimula nang magtagpo ang NOBITA at si Flow G sa isang kasal at magkita-kita sa ilang music festivals. Kahit hindi close friends ang banda sa rapper, naramdaman nila ang natural na koneksyon sa kanya. Ito ang nagbunsod sa kanila upang i-message si Flow G sa Instagram, at agad namang pumayag ang “Rapstar” sa collaboration.
Ang “PNYT” ang unang single ng NOBITA simula nang ilabas nila ang “Gitna” noong Hulyo 31, 2024. Samantala, ito naman ang pinakabagong release ni Flow G matapos ang “Kasama,” ang kanyang collaboration track kasama si Chito Miranda ng Parokya ni Edgar noong Setyembre 2024.