
Mariing itinanggi ng mga ride-hailing firms na Angkas at Move It ang akusasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na lumampas sila sa itinakdang bilang ng mga motorcycle taxi riders.
Ayon sa LTFRB, bawat kumpanya ay may limitasyon na 15,000 riders sa Metro Manila, 3,000 sa Cebu, at 3,000 sa Cagayan de Oro. Gayunpaman, iniulat ng LTFRB na ang Angkas ay mayroong 27,000 riders, habang ang Move It ay may 17,000 riders sa Metro Manila.
Sa isang panayam, sinabi ni Angkas CEO at Co-Founder George Royeca na mayroon lamang silang mahigit 23,000 riders sa Metro Manila, batay sa naunang pag-apruba ng mga regulator noong Pebrero 2020. Noong panahong iyon, pinayagan ng Department of Transportation Technical Working Group ang Angkas na mag-deploy ng 23,164 riders matapos mabigong mapunan ng Move It ang kanilang 15,000 slots.
Samantala, sa isang email sa LTFRB, iginiit ni Move It General Manager Wayne Jacinto na sumusunod sila sa itinakdang limitasyon at mayroon lamang silang 14,662 riders sa Metro Manila noong Mayo 2024.