
Ang influenza, o trangkaso, ay isang karaniwang sakit na madalas binabalewala ng marami. Ngunit ayon sa mga eksperto, hindi dapat ito minamaliit dahil maaari itong magdulot ng seryosong komplikasyon, tulad ng pneumonia. Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), libu-libong kaso ng influenza-like illnesses ang naitatala kada taon, at kabilang ito sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas. Upang maiwasan ang panganib, mahalagang magkaroon ng tamang kaalaman tungkol sa sakit na ito at sundin ang mga payo ng mga eksperto.
Noong Martes, nagbabala ang mga eksperto na hindi dapat maliitin ng mga Pilipino ang influenza. Ang babala ay kasunod ng maagang pagpanaw ng Taiwanese actress na si Barbie Hsu, na mas kilala bilang Shan Cai mula sa "Meteor Garden," dahil sa pneumonia na dulot ng influenza.
Hindi tulad ng bakterya na maaaring gamutin ng antibiotics, ang mga virus tulad ng influenza ay tanging pinamamahalaan lamang. Ipinaliwanag ni Dr. J. Jose Turla, isang pulmonologist mula sa Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center, kung bakit mas delikado ang viral pneumonia.
“Masasabi ko na mas delikado. Ang viral pneumonia, iba kasi ang pathophysiology. Mas mataas kasi ang nagdudulot ng pamamaga sa ating airways, partikular sa airsac o espasyo kung saan dumadaan ang oxygen papunta sa dugo,” ayon kay Dr. Turla.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang pneumonia ay ika-apat sa pangunahing sanhi ng pagkamatay sa bansa noong 2023 at 2024. Isa rin ito sa nag-iisang nakakahawang sakit na kabilang sa top five causes of death. Binanggit ng Lung Center of the Philippines na tatlong salik ang nakakaapekto sa isang tao pagdating sa sakit — ang lakas ng mikroorganismo, kalagayan ng katawan ng tao, at ang kapaligirang ginagalawan nito.
“Mas mahina ang katawan, mas mahina ang immune system, mas malaki ang risk na kapitan ng ibang germs. Kaya kung yan ang dumale sayo, wala kang proteksyon diyan kahit pa nabakunahan ka laban sa pneumonia na partikular para sa pneumococcal pneumonia,” ayon kay Dr. Norberto Francisco, tagapagsalita ng Lung Center of the Philippines.
Sinabi rin niya na, “Minsan, ang viral infection ay napapatungan ng bacterial infection. Merong superimposed bacterial infection. Kaya minsan, kung nagsimula bilang viral infection, nagiging bacterial infection.”
Bilang proteksyon, binigyang-diin ng mga eksperto ang kahalagahan ng pagpapanatili ng malakas na immune system. Inirerekomenda rin ang pagbabakuna laban sa trangkaso at pneumonia, lalo na sa mga nakatatanda at may mga pre-existing conditions. Sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng influenza-like illnesses ayon sa DOH, mahalaga pa rin ang pagbabantay at maagap na aksyon laban sa sakit na ito.