
Mahigit 160,000 pasahero ang inaasahang makinabang sa pagbubukas ng Taguig City Integrated Terminal Exchange (TCITX) sa 2028, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Pinangunahan ng DOTr ang ground-breaking ceremony ng TCITX kahapon matapos ang pitong taong pagkaantala dulot ng pandemya at mga isyu sa right-of-way.
Ipinagkaloob sa Ayala Land Inc. (ALI) ang proyekto, na inaasahang matatapos sa 2027 at magiging ganap na operational sa 2028.
Ang terminal na nagkakahalaga ng P5.2 bilyon ay inaasahang makakapag-accommodate ng 160,000 motorista at 5,200 sasakyan araw-araw.
Itatampok sa TCITX ang isang walkway na magkokonekta sa mga pasahero patungo sa North-South Commuter Railway at Metro Manila Subway.
“Ang proyektong ito ay magiging mahalaga sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko at pagbibigay ng mas maginhawang biyahe sa publiko,” ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista.
Itatayo ang transport hub sa dating site ng Food Terminal Inc., isang state-owned corporation na ibinenta sa ALI noong 2012.
“Ang TCITX ay magiging pintuan mula sa timog ng Metro Manila, kung saan aabot ng 5,200 sasakyan kabilang ang mga provincial bus mula Laguna, Batangas, at Quezon, pati na rin ang mga city bus at public utility vehicles na maghahatid ng mga pasahero sa buong Metro Manila,” sabi ni ALI President at CEO Anna Maria Margarita Dy.
Pinirmahan din kahapon ang isang right-of-way usage agreement para sa konstruksiyon ng 32.7-kilometer Southeast Metro Manila Expressway, mula Parañaque hanggang Batasan Complex sa Quezon City. Ang mga signatoryo ay ang DOTr, Department of National Defense, Veterans Foundation of the Philippines, Toll Regulatory Board, at San Miguel Corp.