Nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lima pang hinihinalang Chinese spies na pinaniniwalaang minamanmanan ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy sa Palawan, lalo na ang resupply missions sa West Philippine Sea (WPS). Ayon sa NBI, naglagay ang grupo ng high-resolution solar-powered cameras sa mga strategic na lugar para subaybayan ang galaw ng mga barko ng PCG. Dahil dito, posibleng alam na ng China Coast Guard ang kilos ng mga barko ng Pilipinas bago pa man sila makarating sa WPS.
May Kaugnayan Kay Deng
Sa press conference, ipinakita ng NBI ang limang suspek na kinilala bilang:
- Cai Shaohuang, 52
- Wang Yong Yi, 52
- Wu Jun Ren, 62
- Wu Chengting, 38
- Chen Haitao, 36
Sila ay naaresto noong Enero 24 at 25 at nahaharap sa kaso ng paglabag sa Commonwealth Act No. 616 (Anti-Espionage Law ng 1941) at Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Ayon sa NBI, ang limang ito ay may kaugnayan kay Deng Yuanqing, 39, ang hinihinalang Chinese spy na naaresto noong Enero 17 sa Makati City kasama ang dalawang Pilipino.
Nahuli sina Deng at ang kanyang mga kasabwat habang ginagamit umano ang isang device para i-map ang mga mahahalagang pasilidad sa bansa, kabilang ang military sites at power installations.
Bukod sa Palawan, may mga naitayong surveillance cameras rin ang grupo sa ilang matataas na gusali sa Metro Manila para subaybayan ang paglabas at pagpasok ng mga barko ng PCG sa Manila Bay. Dahil dito, nagkakaroon umano sila ng impormasyon tungkol sa galaw ng tropa at mga barko ng Pilipinas, na maaaring gamitin sa kanilang sariling plano sa hinaharap.
Ayon naman sa Bureau of Immigration, matagal nang naninirahan sa Pilipinas ang mga nahuling Chinese spies—ang ilan sa kanila ay nasa bansa na mula pa noong 2002. May mga nagtatrabaho gamit ang working visa, at ang iba naman ay may asawang Pilipino. Itinanggi rin ng NBI ang mga pahayag na ordinaryong manggagawa lang si Deng, dahil may ebidensiyang nagtapos siya sa isang military school sa China at ang kanilang nakumpiskang gamit ay military-grade.