Sa wakas, nakalaya na ang 17 Pinoy seafarers na binihag ng Houthi rebels nang higit isang taon. Ang mga Pinoy ay bahagi ng 25-member crew ng M/V Galaxy Leader na nahuli noong Nobyembre 2023 habang dumadaan sa Red Sea.
“Buong tuwa kong inihahayag na ligtas nang nakalaya ang lahat ng 17 Filipino seafarers, kasama ang iba pang crew ng M/V Galaxy Leader. Kasalukuyan silang nasa pangangalaga ng Philippine Embassy sa Muscat, Oman at malapit na silang makapiling ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas,” ani ni Pangulong Marcos noong Huwebes, Enero 23.
Nagpasalamat din si Marcos kay Sultan Haitham bin Tarik ng Oman dahil sa kanilang tulong at pagmamagitan.
“Pinupuri ko ang mga ahensya ng gobyerno ng Pilipinas at pribadong sektor na walang sawang nagtrabaho kasama ang mga banyagang gobyerno at iba pang grupo para sa matagumpay na paglaya ng ating mga kababayan,” dagdag pa ni Marcos.
Ayon sa mga Iran-backed Houthi fighters, ginawa nila ang pagdakip bilang ganti sa Israel-Hamas war.
Sa kabilang banda, nagkasundo na ang Hamas at Israel sa isang ceasefire kamakailan.