Sinabi ng Pilipinas nitong Martes na ito’y nababahala sa mga patrol ng coast guard ng Tsina na papalapit nang papalapit sa baybayin ng bansa.
Inaangkin ng Beijing ang halos kabuuan ng South China Sea sa kabila ng isang internasyonal na desisyon na nagsasabing walang legal na batayan ang kanilang pag-aangkin.
Sinabi ng Pilipinas na ang pagpapadala ng Tsina ngayong buwan ng isang “higanteng” barko ng coast guard ay nagpapakita ng "papalaking agresyon" nito sa pinag-aagawang karagatan.
"Palapit nang palapit ito sa baybayin ng Pilipinas... at nakakaalarma iyon," ayon kay Jonathan Malaya, tagapagsalita ng National Security Council, sa mga mamamahayag nitong Martes.
Ayon kay Malaya, mas lumapit ngayong taon ang mga barko ng Tsina sa baybayin ng Pilipinas, at ang pinakahuling galaw ay isang “taktika ng pananakot” upang pigilan ang mga mangingisdang Pilipino.
"Hindi natin binibigyang-dangal ang mga taktikang ito ng pananakot sa pamamagitan ng pag-atras. Hindi tayo natitinag o natatakot sa harap ng pananakot," ani Malaya.
Ang 165-metrong (540 talampakan) “higanteng barko” ay huling nakita 143 kilometro (89 milya) sa kanluran ng Capones Island sa lalawigan ng Zambales.
Sinabi ni Jay Tarriela, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard, na “hindi ito talaga gumagawa ng napaka-agresibong aksyon, pero ang mismong presensya nito ay nakakaalarma na.”
Nagpadala ang Philippine Coast Guard ng mga 84-metro at 97-metrong barko upang pilitin ang barkong Tsino na "lumayo pa sa baybayin ng Zambales," ani Tarriela.
Sinabi rin ni Tarriela na ang mga patrol ship ng Tsina ay umabot nang kasinglapit ng 111 kilometro (69 milya) sa kanluran ng pangunahing isla ng Luzon ngayong taon.
Samantala, sinabi ni Guo Jiakun, tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs ng Tsina, na ang kanilang mga patrol ng coast guard ay “alinsunod sa batas” at “walang dapat ipintas.”
"Muli naming binabalaan ang panig ng Pilipinas na agad na itigil ang lahat ng paglabag, provokasyon, at pagpapalaki ng isyu, at itigil ang lahat ng hakbang na sumisira sa kapayapaan at katahimikan sa South China Sea at nagpapalala sa sitwasyon," pahayag ni Guo sa isang press conference.