Mukhang may bagong niluluto ang Apple, at sa pagkakataong ito, tila ang tech-giant ay gumagawa ng isang bagong smart home doorbell. Ayon sa Apple insider na si Mark Gurman mula sa Bloomberg, ang doorbell na ito ay inaasahang makikipagkumpitensya sa mga kilalang smart home doorbells tulad ng Ring at Google Nest.
Ayon kay Gurman, ang doorbell ay magkakaroon ng “advanced facial recognition” at magiging ganap na wireless na mag-iintegrate sa mga smart home locks. Sa ngayon, nag-aalok na ang Apple ng third-party HomeKit locks sa kanilang online store, ngunit ang doorbell na may facial recognition ay itinuturing na bagong venture. Ayon kay Gurman, “Ang ideya ay ang doorbell ay maaaring awtomatikong mag-unlock ng pinto para sa mga residente ng bahay sa pamamagitan ng pag-scan ng kanilang mukha — katulad ng ginagawa ng Face ID sa kanilang iPhone.” Ibinahagi rin ni Gurman na maaaring makipagsosyo ang Apple sa isang partikular na tagagawa ng locks upang mag-alok ng kumpletong package sa isang pagbili lamang. Maari rin nilang piliing ilabas ang produkto sa ilalim ng kanilang sariling brand at posibleng makipag-partner sa isang kumpanya ng teknolohiya tulad ng Belkin bilang panimula.
Bagama't nasa maagang yugto pa lamang ng pag-develop ang doorbell, ang proyekto ay umaayon sa malaking pagpapalawak ng Apple sa mga smart home devices sa susunod na taon. Ang ulat ay nagsasabing ang smart doorbell ay hindi pa mailalabas sa merkado “bago matapos ang susunod na taon,” habang nilalayon nitong samantalahin ang bagong in-house networking chip ng kumpanya. Ang Apple ay sinasabing maglalabas din ng bagong smart home control device na maaaring ikabit sa mga dingding at may base na speaker. Inaasahan din ang bagong refresh para sa Apple TV at HomePod sa susunod na taon.
Abangan ang karagdagang impormasyon.