Nakatakdang pirmahan ni Pangulong Marcos ang P6.532-trilyong pambansang badyet para sa 2025 bago mag-Pasko.
“Alinsunod sa karaniwang proseso, ang Congress-approved national budget bill ay ipapasa sa Office of the President para sa pagsusuri. Ang pambansang badyet para sa 2025 ay pipirmahan bago ang Araw ng Pasko,” ayon sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO).
Sinabi ni PCO Secretary Cesar Chavez na ang tentative schedule ng paglagda sa spending bill ay sa Disyembre 20.
Samantala, binatikos ng militanteng mga mambabatas ang tila pagmamadali sa pagpapatibay ng bicameral conference committee report tungkol sa inaprubahang badyet.
Sa isang pahayag, kinuwestyon ni Kabataan Rep. Raoul Manuel mula sa Makabayan bloc ang malaking pagtaas sa “unprogrammed appropriations” ng bicam-approved budget program mula P158.7 bilyon patungong P531.7 bilyon.
“Napupunta ba rito (unprogrammed appropriations) ang lahat ng mga tinanggal mula sa programmed appropriations tulad ng para sa edukasyon?” tanong ni Manuel.
Sinabi ni Manuel na kinukwestyon niya ang bicam conference report “dahil nakikita natin ang mga bagong pagbabago, hindi para sa ikabubuti, kundi para ilayo ang bansa sa tunay na progreso.”
Kinuwestyon din niya ang bawas sa pondo ng Department of Education (DepEd), habang napansin ang pagtaas ng P7 bilyong budget para sa state colleges and universities (SUCs).
Zero Subsidy ng PhilHealth
Binanggit din ng kinatawan ng Kabataan ang “malaking hamon” na kinakaharap ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), na wala nang subsidy base sa badyet para sa susunod na taon.
“Habang ang zero budget para sa PhilHealth ay malaking hamon para sa ahensiyang ito na gampanan ang mga inaasahan sa kanila, nakakagulat kung bakit may bawas sa pondo ng DOH. Paano natin maaasahang mapabuti ang health care services kung may P25.8 trilyong piso na bawas sa badyet ng DOH kumpara sa bicam version ng NEP (National Expenditure Program) sa ating pambansang badyet?” tanong ni Manuel.
Ayon kay Senate President Francis Escudero, ang zero subsidy para sa PhilHealth sa inaprubahang badyet ay dapat maging wakeup call para sa mga ahensiyang hindi gumagawa ng tama.
“Para sa ganitong pagkukulang, ito ay dapat magsilbing wakeup call sa kanila, kung hindi man sampal sa mukha para gawin ang kanilang trabaho. Hindi tama na gantimpalaan sila sa kanilang pagkukulang sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera na hindi rin naman nila magagamit,” sabi ni Escudero.
Binatikos din niya ang health insurer dahil wala pang ni isang pasyente ang nakinabang sa zero balance billing kahit na may alokasyon itong P600 bilyon.
Misinformed si Bato
Samantala, sinabi ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre na “mali ang impormasyon” ni Sen. Ronald dela Rosa ukol sa kanyang kritisismo sa memorandum of agreement (MOA) ng PhilHealth at Development Bank of the Philippines (DBP).
Noong Miyerkules, sinabi ni Dela Rosa na nagtaka siya kung bakit pinili ng PhilHealth at DBP na makipagsosyo sa isang party-list at hindi sa DOH para sa pag-develop at rehabilitasyon ng mga health facility.
“Dapat tanungin kung bakit si Senator Dela Rosa ay sobrang tutok sa pag-atake sa programang ito, na idinisenyo upang maiangat ang underserved communities. Maaaring ito ay pagtatangka na ilihis ang atensyon mula sa imbestigasyon ng Kamara tungkol sa extrajudicial killings noong siya ang police chief. Ang biglaan niyang pagkabahala sa governance at ethics ay tila nagiging usok lamang para pagtakpan ang kanyang sariling accountability issues kaysa sa tunay na kritisismo ng MOA,” paliwanag ni Acidre.
Ang partisipasyon ng Tingog Partylist sa inisyatibang ito ay nakaugat sa kanilang misyon na mapabuti ang access sa health care, lalo na sa underserved at rural communities.
Ipinaliwanag din ni Acidre na ang MOA ay nagpapakita ng papel ng Tingog bilang suporta sa mga LGU sa pag-access sa mga financial mechanisms ng DBP, fiscal training, at direct medical assistance sa mga pasyente.
“Hindi humahawak ng pondo o nagma-manage ng proyekto ang Tingog. Ang MOA ay sumusunod sa lahat ng legal na protokol. Ang ethics ng partnership na ito ay dapat sukatin base sa layunin at resulta, hindi sa mga walang basehang espekulasyon ni Dela Rosa,” dagdag niya.
Hinikayat din ni Acidre si Dela Rosa na kilalanin ang tunay na layunin ng inisyatibo.
“Imbes na gawing isyu ang isang mabuting layunin, dapat magtuon ng pansin si Senator Dela Rosa sa mga tanong ukol sa kanyang nakaraan at kung paano nito naapektuhan ang buhay ng maraming Pilipino. Ang Tingog ay mananatiling nakatuon sa pagseserbisyo sa mga tao, lalo na sa mga rural na lugar na matagal nang napapabayaan,” pagtatapos ni Acidre.