Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 ang status ng Bulkang Kanlaon sa Negros mula sa Alert Level 2.
Ayon sa Phivolcs, ito ay bunsod ng malakas na pagsabog sa summit vent ng bulkan na naganap noong Lunes, Disyembre 9, bandang alas-3:03 ng hapon. Ang pagsabog ay nagresulta sa pagbuo ng makapal na plume na umabot sa taas na 3,000 metro bago ito unti-unting lumusaw sa kanlurang timog-kanlurang bahagi ng Kanlaon.
Ang Alert Level 3 ay nangangahulugang may magmatic unrest, o senyales ng posibleng magmatic eruption na maaaring magdulot ng mas matinding pagsabog.
Pinayuhan ng Phivolcs ang mga lokal na pamahalaan sa paligid ng Kanlaon na magpatupad ng paglikas sa mga residenteng nasa loob ng 6-kilometrong danger zone. Inaasahan din ang posibleng mas malawakang evacuation upang masigurado ang kaligtasan ng mga residente sakaling magkaroon ng mas malaking pagputok.
Naunang naitala bandang alas-8 ng umaga ang isang 16-minutong pagbuga ng abo, 6 na lindol na dulot ng bulkan, paglabas ng 4,638 toneladang asupre, tuloy-tuloy na steam emission, at panaka-nakang ashfall na tumama sa timog-kanluran. Napansin din ang pamamaga ng bulkan, indikasyon ng patuloy na volcanic activity.
Ipinagbabawal din ang paglipad ng anumang aircraft sa tuktok ng Kanlaon bilang karagdagang pag-iingat.