Malapit nang tapusin ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang imbestigasyon sa umano’y hindi wastong paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Committee Chairman Manila Rep. Joel Chua, isinagawa ang pulong kahapon upang i-wrap up at i-summarize ang mga naging resulta ng imbestigasyon.
“May mga nauna nang mag-file ng impeachment complaint laban sa ating Bise Presidente, kaya minabuti namin na tapusin na ang imbestigasyon sa confidential funds,” pahayag ni Chua. Idinagdag niya na ang mga katanungan hinggil dito ay mas mainam nang sagutin sa impeachment process kung ito’y magpapatuloy.
Sa pitong pagdinig na isinagawa ng komite, natuklasan ang mga umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds, kabilang na ang P125 milyong pondo na naubos sa loob ng 11 araw.
Ilan sa mga nadiskubreng detalye ay:
- Ang paggasta ng P16 milyon sa pag-upa ng 34 safehouses noong Disyembre 2022.
- Ang paggamit ng P15 milyon para sa youth leadership summits ng Philippine Army, na itinanggi ng nasabing ahensya.
- Ang pagtanggap ni “Mary Grace Piattos” ng confidential funds.
Dalawang impeachment complaint na ang isinampa laban kay Duterte noong nakaraang linggo, kabilang ang alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds.
Pahayag ni Chua, ang impormasyon mula sa kanilang imbestigasyon ay maaaring gamitin ng House Committee on Justice bilang bahagi ng kanilang pagdinig kaugnay ng impeachment complaints.