Ang mga replika ng espada ni Harry Potter na ibinebenta sa isang theme park sa Japan ay ipinabalik dahil masyadong realistiko ito, na posibleng lumabag sa batas ng anti-sandata, ayon sa Warner Bros. Studios Japan at ilang ulat ng media.
Ang apektado ng recall ay ang "authentic recreation" ng Godric Gryffindor Sword — na ipinangalan sa isa sa apat na tagapagtatag ng Hogwarts.
Ang espada, na 34 pulgada ang haba at may matalim na talim, ay may kasamang kahoy na plake para sa display at ibinebenta sa halagang 30,000 yen (P11,600).
Sinabi ng mga ulat na isinasaalang-alang ng mga imbestigador na ang talim ng laruan ay maaaring lumabag sa mahigpit na batas ng Japan sa pagdadala ng sandata at mga espada.
Ang mga replika ay ibinebenta sa “The Making of Harry Potter,” isang studio park sa Tokyo na nagtatampok ng mundo ng tanyag na magic saga.
“Humihingi kami ng paumanhin sa abala,” pahayag ng Warner Bros. Studios Japan.
Bagamat bihira ang karahasang krimen sa Japan dahil sa mahigpit nitong batas sa baril, paminsan-minsan ay may mga kaso ng pananaksak at pamamaril, tulad ng pagpaslang kay dating Punong Ministro Shinzo Abe noong 2022.
Maraming tagahanga ng Harry Potter na napilitang ibalik ang espada ang nagpahayag ng kanilang hinanakit sa social media.
“Napakalungkot,” sabi ng isang fan sa X. “Sa mga kapwa estudyanteng Gryffindor na sumang-ayon sa boluntaryong recall, ramdam ko kayo.”
“Iniabot ko na sa pulisya ang espada ng Gryffindor na minsan kong ipinangakong iingatan ko habangbuhay,” sabi pa ng isa. “Umaasa akong aalagaan nila ito hanggang sa ito ay ma-dispose.”