Ilang araw na lang at magpapasimula na ang Wicked sa mga sinehan sa buong mundo ngayong Biyernes. Ang pelikulang idinirek ni Jon M. Chu ay inaasahang magtatala ng malaking kita sa unang weekend nito.
Ang adaptasyon mula Broadway, na pinagbibidahan nina Ariana Grande bilang Glinda at Cynthia Erivo bilang Elphaba, ay inaasahang kikita ng $100 milyon hanggang $110 milyon USD mula sa 3,880 na sinehan sa North America ngayong weekend, ayon sa ulat ng Variety.
Una nang inakala ng mga analyst na kikita ang pelikula ng $80 milyon hanggang $85 milyon USD sa parehong panahon. Ngunit, tumaas ang mga projection dahil sa malawakang presensya ng PG-rated na pelikula, matagumpay na marketing campaign, at higit sa 400 brand partnerships. Ayon pa sa ilang independent tracking services, maaaring umabot pa sa $130 milyon USD ang kita ng Wicked sa opening weekend nito.
Anuman ang eksaktong kita, ang pelikula ay posibleng magtala ng pinakamahusay na opening weekend para sa isang Broadway-adapted movie. Sa kasalukuyan, hawak ito ng Into the Woods, na kumita ng $31 milyon USD noong unang weekend nito noong 2014.
Samantala, ipapalabas din ngayong weekend ang pelikulang Gladiator II ni Ridley Scott, ang sequel ng Gladiator noong 2000. Ang R-rated na pelikula ay inaasahang kikita ng $65 milyon USD mula sa 3,500 na sinehan sa US. Kapansin-pansin din na kumita na ito ng $87 milyon USD mula sa 63 merkado sa ibang bansa bago ang North American release.