Dapat gabayan ng pananampalataya ang mga susunod na lider, ayon kay Pangulong Marcos. Sa kanyang talumpati sa ika-49 na National Prayer Breakfast sa Malacañang, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng integridad, pananaw, at pagkakaisa sa pamumuno.
Ayon kay Marcos, ang pananampalataya ay nagsisilbing "ilaw sa hinaharap" na gumagabay sa mga lider sa kanilang landas. "Magbibigay ito ng lakas sa gitna ng pagdududa at gagabayan ang ambisyon tungo sa layuning higit pa sa sarili," ani ng Pangulo.
Inihalintulad niya ang pamumuno na walang pananampalataya sa isang barko na walang kumpas, na walang malinaw na direksyon. "Ang tunay na liderato, na nagbabago ng buhay ng tao para sa ikabubuti, ay nakagat sa karunungan, pananampalataya, at sa Diyos," dagdag niya.
Hinimok din ni Marcos ang mga lider na manumbalik sa pananagutan ng paglilingkod na may pananampalataya. Binanggit niya na ang mga desisyon ay dapat gawin ng maingat at may gabay ng panalangin, at ang bawat kilos ay dapat may pagmamahal, awa, at kababaang-loob.
"Ipamana natin sa susunod na henerasyon ang kultura ng liderato ng may integridad, pangmatagalang pananaw, at pagkakaisa," aniya.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kapangyarihan ng panalangin sa pagbuo ng pagkakaisa at pagharap sa mga hamon. Ani niya, ang pagkakawatak-watak ay nagiging sanhi upang makalimutan ng tao ang kanyang pagkatao at layunin na maglingkod para sa bayan. "Sa panahon ng mabilis na pagbabago, mas mahalaga ang kolektibong introspeksyon," dagdag niya.