Itinaas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang alerto ng lahat ng ahensya ng pamahalaan para maghanda sa pagresponde sa bagyong Marce.
Ayon sa Pangulo, kailangang tiyakin ng bawat ahensya na makakarating sa komunidad ang maayos at mabilis na komunikasyon. “Sa mga ahensya ng pamahalaan, alam niyo na ang drill. I am placing you all in high alert,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Binibigyang-diin din ng Pangulo na mahalaga ang mga maagang babala mula sa mga kinauukulan upang gabayan ang publiko sa kanilang pagkilos.
Nais din ni Pangulong Marcos na masiguro ang 24-oras na pagmamatyag sa mga ilog, lawa, baybayin, at iba pang daluyan ng tubig. Ipinag-utos niya ang paghahanda ng lahat ng rescue equipment sa lahat ng antas ng pamahalaan at ang pag-aambag ng mga kagamitan mula sa iba’t ibang ahensya, lalo na ang mga sasakyan.
Hiling din ng Pangulo na mailagay na ang mga relief goods sa mga ligtas na imbakan upang mabilis itong maipamahagi sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Ayon sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, ang sentro ng bagyong Marce ay nasa layong 295 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan, na may lakas na hangin na 150 kph at bugso na aabot sa 185 kph.
Inaasahan na magla-landfall si Marce sa Babuyan Islands o sa hilagang bahagi ng mainland Cagayan, Ilocos Norte, at Apayao sa Biyernes, Nobyembre 8 ng umaga at lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa gabi. Maaaring humina si Marce dahil sa interaksiyon nito sa kabundukan ng mainland Luzon.