Nai-master na ng Analogue ang modernong bersyon ng 1980s GameBoy gamit ang sarili nilang iteration na tinatawag na Analogue Pocket. Para sa susunod na hardware nila, ipinakita ng kumpanya ang kanilang bersyon ng Nintendo 64.
Ang bagong device ay tinatawag na Analogue 3D at, bukod sa iba pang technical advancements, nag-aalok ito ng 4K resolution. Ipinagmamalaki ng Analogue ang device na ito bilang compatible sa “lahat ng original N64 game na ginawa” kahit anong region pa ito galing.
Ang Analogue 3D ay Bluetooth-compatible din at puwedeng ikonekta sa WiFi. Hindi ito emulator at gumagamit ito ng mga bagong bahagi. Kasama rin sa package ng bawat Analogue 3D ang tatlong cables: HDMI, USB, at USB-C.
Darating ang device na ito isang taon matapos itong unang i-tease at naka-presyo ito sa $250 USD (humigit kumulang PHP14,000). Ang pre-orders para sa Analogue 3D ay magsisimula sa Lunes, October 21.