Si Liam Payne, dating miyembro ng sikat na British boy band na One Direction, ay pumanaw sa edad na 31 noong Miyerkules matapos mahulog mula sa ikatlong palapag ng isang hotel sa Buenos Aires, Argentina, ayon sa mga lokal na awtoridad.
Kinumpirma ng ulat ng pulisya na si Payne, na isa ring kompositor at gitarista, ay nagtamo ng malulubhang pinsala mula sa pagkahulog sa Casa Sur Hotel sa Palermo, Buenos Aires. Ayon kay Alberto Crescenti, pinuno ng emergency medical service ng lungsod, ang mga pinsala ni Payne ay sobrang grabeng “hindi na akma sa buhay,” kaya't wala nang tsansa para siya'y maisalba.
Dumating ang mga emergency responders pitong minuto matapos makatanggap ng 911 call bandang 5:04 PM oras sa lokal. Sa kasamaang-palad, hindi na nila nailigtas si Payne, at kinumpirma ang kanyang pagpanaw pagdating nila sa lugar.
Sumikat si Liam Payne bilang bahagi ng One Direction, na nabuo noong 2010 sa pamamagitan ng British talent show na The X Factor. Kasama sina Harry Styles, Niall Horan, Louis Tomlinson, at Zayn Malik, naging bahagi si Payne ng isa sa mga pinakamatagumpay na pop group ng dekada. Noong 2016, ang grupo ay nagkaroon ng indefinite hiatus, kahit hindi nila opisyal na inanunsyo ang paghihiwalay.
Sa mga nakaraang taon, si Payne ay nag-concentrate sa kanyang solo career, kasabay ng kanyang mga dating bandmates. Ilang araw bago mangyari ang insidente, dumalo pa siya sa concert ng dati niyang bandmate na si Niall Horan sa Buenos Aires, ayon sa ulat ng Billboard.