Bilang bahagi ng pagdiriwang ng 50th anniversary ng Casiotron, naglunsad ang Casio ng isang bagong limited edition.
Sa paghubog ng “Zero to One” philosophy ng brand, ang bagong Casiotron TRN50ZE-1 ay may sleek na design at sophisticated na color scheme. Mula sa bezel, logo hanggang sa bahagi ng bracelet, may mga golden details na nagdadagdag ng classy touch sa glossy black na relo.
Ayon kay Tomoo Kato, chairman ng Casio America, ang TRN50ZE-1 ay humuhugot ng inspirasyon mula sa liwanag ng kandila bilang simbolo ng kanilang “journey from darkness to light.” Ang black ay kumakatawan sa zero at kadiliman, habang ang gold accents ay simbolo ng “burning light of creation.”
Bagamat ang kabuuang itsura nito ay parang homage sa orihinal na modelo mula 1974, ang TRN50ZE-1 ay may modern specs. Kaya nitong lumubog hanggang 50 meters sa ilalim ng tubig, solar-powered ito, at may super-illuminator LED backlight, kasama ang mga features tulad ng daily alarms, world time, at smartphone connectivity.
Naka-presyo ito ng $600 USD, at ang Casiotron TRN50ZE-1 ay magiging available sa official webstore ng Casio at sa mga piling retail locations.