Muling nag-aalok ang Cebu Pacific ng mga flight na mabibili sa halagang P1 para sa mga biyaheng naka-schedule sa susunod na taon.
Ayon sa Gokongwei-led airline, puwede nang mag-book ang mga biyahero ng flights papunta sa mga piling domestic at international destinations sa one-way base fare na P1, exclusive ng mga fees at surcharges.
Magsisimula ang seat sale ngayong Miyerkules, Oktubre 9 hanggang Oktubre 13, at ang travel period ay mula Hunyo 1 hanggang Setyembre 30, 2025.
Ilan sa mga destinasyong kasama sa sale ay Puerto Princesa, General Santos, at Zamboanga. Puwede ring mag-fly direkta papunta sa mga lugar na ito mula Clark, ayon sa Cebu Pacific.
"Bilang dagdag na treat, ang mga bagong ruta mula Iloilo at Davao ay kasali rin sa sale. Dahil sa pinalawak na connectivity at mas pinababang presyo ng CEB, mas madali nang makakapagbiyahe ang mga taga-Iloilo papuntang Tacloban, Zamboanga, at Singapore. Ang mga bisita mula Davao na gustong mag-international travel ay puwede na ring mag-direct flight papuntang Hong Kong o Bangkok via Don Mueang," ayon sa budget carrier.
Patuloy ding pinalalakas ng Cebu Pacific ang kanilang fleet at pinalalawak ang mga destinasyon sa gitna ng inaasahang patuloy na demand para sa murang air travel.